Ako ay laking katoliko, dati akong sarado katoliko, at sira-do katoliko, sa madaling sabi, di ako mahilig magsimba o maging aktibo man lang sa simbahan noong bata pa ako. Mahilig ako sa mga religious na bagay noon pero hindi ko nakahiligan ang pagsisimba, dahil laki ako sa layaw at masarap na buhay kaya ang oras ko ay nauukol sa panonood ng telebisyon at pagtulog buong araw, naalala ko tuloy ang sinabi ni Apostol Pedro patungkol dito:
"Bilang mga anak, sundin ninyo ang Diyos at huwag ang masasamang hilig tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa." (1 Pedro 1:14, Magandang Balita Biblia)
Dahil diyan, halos kulang o wala akong kaalaman sa pananampalatayang katoliko, dalawang bagay lamang ang naikintal sa akin ng aking mga magulang, ang pagmamahal sa Diyos lalo na sa Panginoong Jesus at sa Mahal na Birheng Maria na kanyang ina. Pinalaki ako ng aking mga magulang na madasalin ngunit sa paraan ng pagsasaulo ng mga dasal. Pero ang masasabi kong pinakamahalaga na una ring naituro sa akin ng aking ina ay ang Banal na Kasulatan o ang Biblia, masasabi ko na ito ang naging unang pundasyon ko para imulat ako sa pananampalatayang katoliko, kaya nga sinabi ni San Pabl ang ganito:
"Ngunit huwag mong tatalikdan ang mga aral na natutuhan mo at matibay na pinananaligan, yamang kilala mo ang nagturo nito sa iyo. Mula pa sa pagkabata, alam mo na ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo Jesus." (2 Timoteo 3:15, Magandang Balita Biblia)
Noong ako ay nasa ika-11 taon na ng aking edad ay naimbitahan ako ng isang Born Again na grupo na umattend ng kanilang vacation Bible school. Dahil diyan dahil nga sa kakulangan ko sa kaalaman sa pananampalataya ay pumayag ako sa gusto nila, tumanggi ang mga magulang ko na payagan ako ngunit dahil sa matatamis na salita ng Born Again ay nadala niya ako na umattend sa kanila tulad ng sinasabi ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma:
"Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakampi-kampi at nagiging sanhi ng pagtalikod sa mga aral na tinanggap ninyo; iwasan ninyo sila. Ang mga gayong tao ay hindi naglilingkod kay Cristo na ating Panginoon, kundi sa kanilang makasariling hangarin, at sa pamamagitan ng kanilang magaganda at matatamis na pangungusap ay inililigaw nila ang mga mapaniwalain." (Roma 16:17-18, Magandang Balita Biblia)
Tulad nga ng sinabi ni San Pablo ay naakit nila ako sa kanilang mga matatamis na salita kasama na ang aking kapatid na babaeng panganay. Noon akala namin na patungkol lamang sa Biblia ang kanilang ituturo, ngunit nang lumipas ang ilang linggo, nagulat na lang ako nang bigla silang nagsingit ng mga aral patungkol kay Martin Luther at sinabihan pa kami na huwag daw maniwala na Immaculada Concepcion si Maria doon ako nagulat sa mga sinabi nilang iyon, dahil sa isip isip ko bakit ganito ang mga taong ito, malaki ang pagmamahal nila kay Jesus ngunit matindi ang poot at galit nila sa kaniyang Ina. Tulad nga ng sinabi kanina ni San Pablo na ang "nagiging sanhi ng pagtalikod sa mga aral na tinanggap ninyo;iwasan ninyo sila." Kaya nga pagkatapos ng aming pagtatapos sa Vacation Bible School na iyon ay di na ako bumalik na umiwas na sa pagbalik doon dahil di ako matanggap na ganun ang kanilang sasabihin patungkol sa Mahal na Birheng Maria, sapagkat isa sa mga di ko maaring talikdan ay ang matinding debosyon sa Ina ng Diyos. Dahil diyan ako ay nagpapasalamat sa Panginoon sapagkat:
"Sa Panginoon laging nakatuon ang aking mga mata, pagkat pinalalaya niya sa bitag ang aking mga paa." (Awit 25:15, Biblia ng Sambayanang Pilipino)
Dahil sa aking pagmamahal sa Mahal na Birhen Maria ay aking wiwikain sa kanya:
"Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon?" (Lucas 1:43, Magandang Balita Biblia)
Hindi pa ako nagsimulang maglilo noon sa pananampalatayang katoliko ko, ngunit nanatiling sarado katoliko ako, hindi ako nadala ng Born Again sa dahilang hindi ko maaring iwan ang pagmamahal ko sa Ina ni Cristo dahil para sa akin ang pagmamahal ko kay Cristo ay pareho din sa kanyang Ina. Dahil mahal din ni Cristo ang kanyang ina, at ano kaya mararamdaman ni Cristo kung marinig niya na nilalait lait ang kanyang ina ng mga nagsasabing mahal daw nila siya? Dahil diyan kaya hindi ako natinag sa mga sinasabi ng Born Again, pareho pa rin kaming iniimbitahan nila pero di na kami bumalik ulit doon. Ngunit, lumipas ang maraming panahon, may isa namang kaibigan ang kapatid kong babae na isa ring Born Again pero sa ibang Born Again groups naman, dahil diyan nagsimula din niya kaming akitin, isa sa mga di ko malilimutan na paninira niya sa katoliko ay ganito "Yang Holy Water ay possessed ng evil spirit, kasi sa Bible nalunod sa tubig yung mga baboy na sinaniban ng evil spirit." Sa umpisa para sa mga walang alam sa Biblia mukhang kawiliwili pero hindi ako nakumbinsi sa salita niyang ito, dahil para sa akin ito ay illogical na rason at walang kabuluhan. Dahil diyan di pa rin niya kami tinigilan hanggang sa ininvite niya kami sa kanilang gathering sa isang lugar or youth jamboree kung tawagin. Dahil diyan napapayag niya kami dahil nga kaibigan siya ng ate ko. Dahil doon, sumama kami, akala namin puro games, kaininan at gatherings lang nila with praise ang worship, yun pala may isang bagay na kanilang itinatago sa amin, sabi nga ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso ang ganito:
"Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga bagay ba ginagawa nila nang lihim." (Efeso 5:12, Magandang Balita Biblia)
Noong malapit nang matapos ang kanilang gawain, ay nagulat na lang ako sa kanilang sinasabi sa amin. "Nais niyo bang mabaptize upang malinis kayo sa inyong mga kasalanan? Hindi ito pagsali sa anumang relihiyon, ito ay paglilinis lamang sa kasalanan." Dahil nga sa kakulangan ko sa kaalaman sa pananampalataya upang ipagtanggol ang aking pananampalataya ay napapayag nila ako nang labag sa aking kalooban, ganyan nga ang sinasabi ni San Pablo nang kanyang sabihin:
"Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang ibig ko, bagkus ang mga bagay na kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa." (Roma 7:15, Magandang Balita Biblia)
at idinugtong pa niya:
"Sapagkat malugod ninyng tinatanggap ang sinumang dumarating at nangangaral ng ibang Jesus kaysa ipinangangaral ko. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro ko sa inyo." (2 Corinto 11:4, Magandang Balita Biblia)
Dahil dito ay biglaan nila akong binautismuhan sa paraan ng paglulubog kahit na labag sa aking kalooban at kahit hindi ko siya sinasampalatayanan. Dahil naniniwala ako sa aking naunang binyag sa Iglesia Katolika, ang pagkapanganak na muli sa Sakramento ng Binyag tulad ng sinasabi ni San Pablo na:
"Nang kayo'y bautismuhan, nalibing kayong kasama ni Cristo at muling nabuhay kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya." (Colosas 2:12, Magandang Balita Biblia)
Dahil ako ay naniniwala na:
"May isa lamang Panginoon, isang pananampalataya, at isang bautismo, isang Diyos at Ama nating lahat." (Efeso 4:5-6, Magandang Balita Biblia)
Simula noon ay nagsimula na akong mag-aral, magbasa basa ng mga babasahing katoliko, magsaliksik, magsuri at magtanong-tanong patungkol sa aking pananampalatayang katoliko, siyempre patungkol sa bagay na yan ang unang una kong tinanungan ay ang mga pari sapagat sabi ng Kasulatan ay ganito:
"Nasa mga labi ng pari ang kaalaman, dapat matagpuan ang Batas sa kanyang bibig, dahil siya ang sugo ni Yawe ng mga Hukbo." (Malakias 2:7, Biblia ng Sambayanang Pilipino)
Isa sa aking ginamit sa pag-aaral ay ang Banal na Tradisyon na ilang beses na binabanggit sa Banal na Kasulatan na dapat na panghawakan ng mabuti:
"Dahil dito, mga kapatid, magpakatatag kayo at manindigan sa mga tradisyong itinuro namin sa inyo sa salita o sa sulat." (2 Tesalonika 2:15, Biblia ng Sambayanang Pilipino)
at sinasabayan ko rin siya ng pag-aaral at pagbabasa mga Salita ng Diyos sa Biblia:
"Sinasaliksik ninyo ang Kasulatan, sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga ito ang nagpapatotoo tungkol sa akin." (Juan 5:39, Magandang Balita Biblia)
Isa rin sa aking pinagbasehan ay ang kasaysayan, dahil sinabi ng Biblia ang kahalagahan ng pag-aaral ng kasaysayan:
"Magsaliksik ka sa nakaraang salinlahi at matuto sa karanasan ng kanilang magulang." (Job 8:8, Biblia ng Sambayanang Pilipino)
Dahil diyan hindi ako tumigil sa pag-aaral at pagsasaliksik sa aking pananampalatayang katoliko. Isa sa mga paraan ko ay ang pagsali ko bilang sakristan sa aming parokya at doon mas lumilinaw sa akin ang tunay pananampalataya ko. Maraming beses na ako nakaencounter ng mga kaanib ng ibang sekta katulad ng Born Again, Baptist, INC , Jehovah's Witness at Seventh Day Adventist. Dahil diyan mas lalong tumindi ang pagnanais ko na pag-aralang mabuti ang aking pananampalatayang katoliko. Dahil diyan minsan na akong napasali sa isang friendster discussion board na ang pamagat ng thread ay 100% Katolikong Pinoy, doon ko naranasan na mapasabak sa pakikipagdiskusyunan sa iba't ibang sekta isa na riyan ay ang mga Born Again. Hindi lamang sa friendster discussion board ko sila naeencounter bagkus ay sa aktwal na sitwasyon, kung saan minsan pa nga sila ay bigla bigla na lang lumalapit sa akin at nakikipagtalo patungkol sa aking pananampalataya, minsan may mga nakikipagdebate pero mindful ako sa isang sinabi ni Pablo na hindi dapat gayon ang gawin ayon na rin sa kanyang sinabi:
"Iwasan mo ang walang kabuluhang pakikipagtalo sapagkat ito'y hahantong lamang sa awayan. Hindi dapat makipag-away ang lingkod ng Diyos; sa halip, dapat siyang maging mabuti sa pakikitungo sa lahat, mahusay at matiyagang guro." (2 Timoteo 2:23-24, Magandang Balita Biblia)
Dahil diyan patuloy akong nagsaliksik ng husto, at lalo na ang pag-aaral ng Biblia at ng paggabay ng Simbahan at ng kanyang mga turo. Dahil diyan sa 11 taon ng aking pagsusuri at pagsisiyasat sa aking pananampalataya at dahil na rin sa pagnanais ko na matulungan din ang iba na makilala ang aking pananampalataya ibig kong tumugon sa panawagan ng Simbahan na ipagtanggol ang pananampalatayang katoliko, yan ay base sa panawagan na binanggit din ng mga Apostol sa kanilang mga isinulat:
"Ipaglaban mo ang mabuting laban ng pananampalataya, kamtin ang buhay na walang hanggan. Dahil dito kaya ka hinirang at kaya mo ipinahayag ang magandang patotoo sa harap ng maraming saksi." (1 Timoteo 6:11-12, Biblia ng Sambayanang Pilipino)
"Idambana ninyo sa inyong puso si Cristong Panginoon. Humanda kayong lagi na magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa inyong pag-asa. Ngunit maging mahinahon at mapitagan kayo sa inyong pagpapaliwanag." (1 Pedro 3:15-16, Magandang Balita Biblia)
"Ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal." (Judas 3, Magandang Balita Biblia)
Bilang tugon sa mga panawagan na iyan ng mga apostol ay aking sinamantala ang pagkakataon na pag-aralang mabuti ang aking pananampalataya at kung paano ko ito mamahalin at maipagtatanggol. Noong una marami pa akong mga di nasasagot pero sa pamamagitan ng aking pagreresearch at pagtatanong at unti unti kong nalalaman ang katotohanan. Dahil naniniwala ako na ang lahat ng katotohanan ay nasa simbahang katolika, dahil ito ay ang:
"Sambahayan ng buhay na Diyos, sa iglesya na siyang haligi at saligan ng katotohanan." (1 Timoteo 3:15, Magandang Balita Biblia)
Dahil diyang kaya nagsimula akong maging aktibo sa apolohetika at nahilig sa pag-aapolohetika dahil alam ko sa huli na:
No comments:
Post a Comment